ABSTRAK
Sabay nang paglaganap ng nasyonalismo at pagbubuo ng pambansang identidad ay isang nabuong kilusang naglalayon ng indihenisasyon o “Pilipinisasyon” ng agham panlipunan sa ating bansa. Sa pananaw ng kilusang ito; ang karamihan ng mga mananaliksik ng lipunang Pilipino ay gumagamit ng mga konsepto at metodo ng pagsusuri na kadalasan ay batay sa mga itinuro ng mga espesialista mula sa kanluraning daigdig. Sa palagay ng mga indihenista, higit na mabisa at angkop ang siyentipikong pananaliksik kung ang gagamiting pamamaraan ng pagsusuri ay galing sa katutubong karanasan ng komunidad na sinisiyasat. Sa pamamaraang ito ay higit na matatamo ang malalim na pag-unawa sa Pilipino, sa kanyang kamalayan at pagkatao, sa kanyang kaugalian at mga elementong nagpapalakad ng kanyang lipunan. Binibigyang kabuluhan ng bagong kaisipang ito ang indihenisasyon sa kasalukuyang pagsisikap tungo sa pambansang kaunlaran.
No comments:
Post a Comment